-------
Ika-apat
ng Enero, 2012
Hindi na ako parte ng mga plano mo.
Unti-unti na akong umaalis sa buhay mo. Wala na rin akong magawa eh at
nararamdaman ko namang ayaw mo na rin talaga. Bakit hindi ako gumawa ng paraan,
dalawang taon na ang nakararaan? Bakit hinayaan ko na lang na umalis ka? Bakit
hinayaan ko na lang mawala ang lahat kung alam ko namang mahal na mahal kita?
Ika-labinglima ng Nobyembre, 2009
Pwede naman ako bumalik kaagad sayo pero
hindi ko magawa. Hindi ko magawa kasi natatakot ako. Natatakot ako na baka
ipagtulakan mo lang ako palayo dahil sa sobrang sakit na nararamdaman natin.
Hindi naman natin kailangang putulin lahat, pwede pa sana natin ito maayos…
Pero walang gumawa ng paraan.
Enero hanggang Agosto, 2010
Ilang buwan pagkatapos natin maghiwalay, muli
tayong nagkausap at ayos na naman tayo. Alam kong mahal mo pa rin ako dahil
sinabi mo rin ito at alam kong alam mo rin na mahal pa rin kita. At pakalipas
pa ng ilang buwan, ganoon pa rin tayo. Normal na pakikitungo lang, pero alam
mong meron pa rin talaga.
Nung mga panahong nagiging malapit na ulit
tayo, akala ko may pag-asa pa ulit. Meron ngang pag-asa, pero wala na naman
gumawa ng paraan. Hindi ko alam kung dala ba ito ng hiya o takot na masaktan
lang ulit ang isa’t isa, pero hindi ba’t mas ayos na subukang gumawa ng paraan kaysa
sa hinayaan na lang mawala ang pagkakataon at magsisi habangbuhay? Sayang.
Sayang lang yung mga pagkakataong ‘yun.
Nobyembre, 2010
At isang taon makalipas ang paghihiwalay
natin, nalaman ko na lang sa iba na may iba ka na raw gusto. Eh di syempre ako
naman ‘tong si “sige, ayos lang yan J”. Tapos
nakikita ko na lang sa Facebook na ayon, malapit kayong magkaibigan at
magkabarkada pa. Mukha ka namang masaya kaya hinayaan ko na lang. Nagkukuwento
ka nga tungkol doon eh, dahil pinupuwersa kitang magkwento. >:D
Disyembre 2010 hanggang Mayo 2011
Mas naging malapit pa nga tayo kung kailan
wala na tayo. Parang mas nakilala pa kita. Kaya nga siguro madali tayong
natibag, kasi wala tayong malakas na pundasyon. Bigla na lang kasi naging tayo
nang hindi pa kita nakikilala ng lubusan. Walang pagkakaibigan na pundasyon
yung relasyon natin, minadali kasing gawin.
Lumalabas na nga tayo eh, pag nagkakayayaan
ang isa’t isa. Kung kailan wala na tayo saka natin nagawang mag-sine at kung
anu-ano pa. Tinutulungan kita noon makapasok dito sa unibersidad, dahil alam kong
gustong-gusto mo. At marami tayong napagsamahan noong mga panahong ‘yon. Natupad
naman ang kagustuhan mong makapasok dito sa unibersidad, at pareho tayong
nasiyahan dito.
Hunyo hanggang Oktubre, 2011
Ayun nga, lagi na kita nakikita dito sa campus. Isang buong sem ko sinusubukan ibalik ulit yung dati. Lagi tayo nagkikita
kapag wala tayong klase at tatambay sa inyo o kaya sabay naghahapunan kasama
ang iba nating mga kaibigan. At ako na naman itong si akala… akala ko may
pag-asa na naman. Pero ngayon, ako na lang ata ang may gusto. At syempre, wala
na talagang mangyayari kung ganoon nga lang ang sitwasyon.
Ikunukuntento ko na lang ang sarili ko sa
ganoong sitwasyon, kahit papaano ay meron tayong koneksyon sa isa’t isa. Masaya
naman ako doon. Pero hindi buong-buong masaya kasi alam kong hanggang doon na
lang. Magkaibigan na lang talaga siguro tayo. Ayos na ako doon.
Nobyembre 2011 hanggang sa kasalukuyan,
ika-apat ng Enero, 2012
Sinusubukan ko na umusad papalayo sa mga
nararamdaman ko sa’yo. Ngunit humantong lang ako sa iba’t ibang kabalastugan.
Kung anu-ano na ginagawa ko makalimutan ka lang. Bihira ka na lang din
magparamdam at kung magkakausap man tayo, sasaglit lang. Nawala na naman yung
pagiging malapit natin. Baka kasi masyado na akong abala sa pag-aaral ko at
hindi lang talaga nagtutugma ang mga oras na walang klase ang isa’t isa. Pero hindi
ko alam kung bakit sa iba may oras ka, pero sa akin wala? Sila lagi mong nakakasama,
pero ako hindi? May panahon ka sa babae na pinaghihinalaan kong gusto mo, pero
sa akin wala? Yung babae na yon lagi mong nakakasama, pero ako hindi? Eh kung
sapakin ko kaya sarili ko? Wala na naman kasi akong karapatan sa’yo at lalong
wala akong karapatan na sabihin ‘yang mga bagay na ‘yan at magselos. Pero hindi
ba’t basta may nararamdaman, may karapatan kang magselos? Pero hindi eh, hindi
na ako makapalag sa mga nangyayaring ito.
Siguro nga hindi na ako parte ng mga plano
mo. Unti-unti na lang ako aalis sa buhay mo. Wala na rin akong magawa at
nararamdaman ko namang ayaw mo na rin talaga. Hahayaan na lang kita maging
masaya, habang ako’y miserable pa rin. Hahayaan na lang kita maging masaya sa
ibang tao, habang minamahal pa rin kita. Hindi ko alam kung paano at kailan ako
makakaalis sa pagsisisi at panghihinayang ko dito. Iiyak na lang ako at yayakapin
si Barney, ang baklang dinosaur.
No comments:
Post a Comment